Advocate ng World war 2 filipino comfort women pinasalamatan ang DOJ sa pagbuo ng study group para sa UN CEDAW report
Nabuhayan ng loob ang mga advocate ng World War 2 Filipino Comfort Women na biktima ng kalupitan ng pananakop ng mga sundalong hapon sa Pilipinas sa report ng United Nations Committee on the Elimination of Discrimination Against Women o UN CEDAW.
Batay sa report ng UN CEDAW nalabag umano ng Pilipinas ang mga karapatan ng mga Pilipinang biktima ng sexual slavery ng mga sundalong Hapones noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig dahil sa hindi pagbabayad ng kompensasyon.
Bumuo naman si Justice Secretary Crispin Remulla ng Study Group na pinamumunuan ni Justice Undersecretary Raul Vasquez para tugunan ang report ng UN CEDAW at mabigyan ng reparation o kaukulang kompensasyon ang mga Filipino Comfort Women na mahigit pitong dekada nang nakikipaglaban.
Pinasalamatan ni Atty. Romel Bagares Legal Advocate for Filipino Comfort Women ang Department of Justice o DOJ sa pagbuo ng Study Group kaugnay ng UN CEDAW report.
Vic Somintac