Afghan refugees dapat tanggapin ng Pilipinas – Sen. Tolentino
Sang-ayon si Senador Francis Tolentino na tanggapin sa Pilipinas ang mga refugees na galling sa Afghanistan.
Sinabi ni Tolentino na wala siyang nakikitang mali kung tatanggapin sa bansa ang mga Afghan refugees dahil hindi naman nila kasalanan kung nag-take over ang Taliban sa kanilang gobyerno.
Inihalintulad ni Tolentino ang gagawing pagtanggap sa mga Afghan refugees sa ginawang pagtanggap noon ng bansa sa mga Russian Jews noong panahon ni Pangulong Manuel Quezon, Israeli refugees noong panahon ni Pangulong Manuel Roxas, mga Vietnamese refugees sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at Rohingya refugees mula sa Myanmar sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Eh bakit po hindi natin tatanggapin, kahit po sabihin natin na Muslim po itong mga ito. Ang pagkaka-alam ko po ay temporary lang po yan, yung pagtigil nila dito ay habang pino-process lang yung papel nila at ito po ay hindi ito pwedeng bansagan na terorista, ito po ay mga edukadong tao na taga Afghanistan nan a-displace lamang dahil sa pag-take over ng Taliban,” paliwanag ni Tolentino sa panayam ng NET25 TV/RAdyo program na Sa Ganang Mamamayan (SGM).
“So bakit po, may mga nadi-discriminate yung mga ganitong tao eh sila naman ay walang kasalanan, stateless sila ngayon, so sa akin po wala akong nakikitang masama,” sabi pa ni Tolentino.
Dagdag ni Tolentino, maaari ring ihalintulad ang pagtanggap sa mga Afghan refugees sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na tinatanggap saan mang bansa sa buong mundo.
Pagpapakita rin aniya ito ng pagiging makatao ng Pilipinas na isa sa ipinagmamalaking ugali ng mga Filipino.
“Sa akin po, kung ito ay gagawin, nagpapakita na ang PIlipinas, ang mga Filipino ay handang kumupkop sa mga taong nangangailangan, kagaya nung kinukupkop din yung ating mga OFW sa ibang bansa.”
Dagdag pa ni Tolentino, walang resources na gagamitin ang PIlipinas sa pansamantalang pananatili ng mga Afghan refugees.
Hinihiling ng Estados Unidos sa Pilipinas na pansamantalang tanggapin ang mga Afghan refugees habang ipino-proseso ang kanilang mga dokumento para sa pagpasok sa mga bansa sa Europa at Estados Unidos.
Paglilinaw ni Tolentino, ang mga Afghan refugees na dadalhin sa Pilipinas ay mga propesyunal gaya ng mga translators at engineers na naiwan nang magkagulo sa Afghanistan.
Kaya hindi raw magiging problema ang peace and order
“Ang sa akin sa katanungan na handa ba tayong tumanggap, dapat po tayong tumanggap. Tungkulin natin na bilang bahagi ng world community, kung kaya natin ay wala naman tayong gagastusin dun eh, ilalagay lang yan sa isang secured na lugar, gagastusan ng UN [United Nation] kung anomang international humanitarian organizations, sila magpapakain pansamantala,”
“Aalis din yan pag meron ng malilipatan, marami dyan pupunta sa Europe, di ba ho, so walang nakikitang kargo sa gobyerno, walang epekto sa peace and order,” pagdidiin pa ni Sen. Tolentino.
Weng dela Fuente