AFP nagbabala laban sa mga scammer na nanghihingi ng donasyon para sa Marawi
Nagbabala ang Malacañang at Armed Forces of the Philippines laban sa pagdami ng scammers na lumilikom ng mga perang donasyon para sa mga sundalong nasawi at sibilyang apektado ng krisis sa Marawi City.
Sa Mindanao Hour sa Malacañang, sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, may natanggap silang mga reklamo at sumbong hinggil sa mga humihingi ng donasyon.
Ayon kay Padilla, halimbawa dito ang mga nagpapadala ng mensahe kung saan kapalit ng donasyon ay tanghalian o hapunan.
Paglilinaw ni Padilla, iisa lamang ang lehitimong bank account ng gobyerno na maaaring magdeposito ng tulong-pinansyal.
Ito aniya ay ang Land Bank of the Philippines account 00000552107136 para sa internally displaced persons (IDPs) habang 00000552107128 o AFP Marawi casualty.
Payo ni Padilla sa mga mamamayan, huwag basta-bastang kakagat sa mga pagsasamantala ng scammers.