AFP, nagsasagawa na ng imbestigasyon sa panibagong sablay na airstrike sa Marawi City

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines kaugnay ng panibagong sablay na airstrike sa Marawi City na ikinasawi ng 2 sundalo at ikinasugat ng 11 iba pa.

Ayon kay  AFP Spokesman BGen. Resty Padilla, bumuo na sila ng investigating body na tututok sa insidente upang matukoy ang sanhi nito at hindi na muling maulit pa.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas dose ng hapon, ng Miyerkules nang mangyari ang insidente.

Sa halip na sa target, sa isang gusali malapit sa pinagtataguan ng mga sundalo bumagsak ang bomba at sa lakas ng impact, ilang gusali ang nawasak at tinamaan ng debris ang dalawang sundalo na agad nilang ikinamatay

11 sundalo naman ang isinugod sa ospital matapos magtamo ng mga sugat dahil sa tama ng shrapnel.

Noong Mayo 31, isang sablay na airstrike na rin ang nangyari sa Marawi kung saan 10 sundalo ang namatay habang 8 iba pa ang nasugatan.

Sa huling tala ng AFP, aabot na sa 529 ang namatay sa bakbakan, 392 dito ang mula sa hanay ng mga terorista habang 92 ang nalagas sa hanay ng pamahalaan.

45 sibilyan naman ang pinatay ng mga terorista habang 1,723 na sibilyan ang narescue ng gobyerno sa loob ng warzone.

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *