AFP, nakaalerto sa panibagong planong destabilisasyon ng CPP laban sa pamahalaan
Bagamat pinawi na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangamba sa October ouster plot, hindi pa rin nagbababa ng alerto ang militar sa posibleng panibagong plano umano ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa pagpapatalsik sa kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. General Edgard Arevalo, ang destabilisasyon ay bahagi ng continuing plan ng makakaliwang grupo lalu na’t sa sasapit sa ika-50 anibersaryo ang CPP-NPA sa darating na Disyembre.
Dahil dito, tuluy-tuloy ang ginagawa nilang massive information campaign lalu na sa mga grupo na umano’y target ng recruitment ng mga rebelde.
“Lalung natumibay ang ating impormasyon dahil may mga nakalap tayong mga dokumento hango sa mga matagumpay na operasyon laban sa NPA at mga Intelligence report at mga rebelasyon mula sa mga dating rebelde at sila ang nagsabi sa atin ng mga bagay na iyan”
Ilan aniya sa mga taktika ng rebelde sa destabilisasyon ay ang pagpapalutang na kasalanan ng pamahalaan ang inflation at iba pang isyu na panira sa imahe ng gobyerno.
“Pati ang inflation ay isinisisi nila sa kasalukuyang pamahalaan samantalang ayon na rin sa mga Ekonomista, ito ay hindi dahil sa pamumuno kundi ito ay dahil sa external forces. Yung Oplan Aklasan na ginagatungan nila ang isyu sa pagitan ng mga manggagawa at employer upang magkaroon ng Labor unrest. Lahat ng mga ito ay nais nilang ipakita na mahina ang pamahalaan”.