AFP, sinampahan ng reklamong illegal possession of explosives sa DOJ ang hinihinalang Espanyol na teroristang nadakip sa Basilan
Sinampahan ng militar sa Department of Justice o DOJ ng illegal possession of explosives ang hinihinalang Espanyol na terorista na nadakip sa Basilan noong Lunes.
Dinala ng AFP sa DOJ ang 20-anyos na si Abdelhakim Labidi Adib kung saan isinalang ito sa inquest proceedings.
Naaresto si Adib sa military checkpoint sa Barangay Townsite sa Maluso, Basilan noong Enero 22 habang nakatakas ang kasamahan nitong Pinoy na miyembro ng Abu sayyaf group.
Ayon sa AFP, nakatanggap ng Intelligence report ang kanilang 14th Special forces ukol sa dalawang kahina-hinalang personalidad na dadaan sa Maluso, Basilan kung saan ang isa ay dayuhan.
Nakumpiska ng militar kay Adib ang dalawang granada, mga improvised explosive device components, iba-ibang id cards at salapi na nagkakahalaga ng 8,520 piso.
Batay sa reklamo ng AFP, kilala si Adib na Abu Sayyaf sympathizer at taga-suporta ng pagkakaroon ng Islamic caliphate sa Pilipinas.
Nabatid din na overstaying na sa bansa ang espanyol dahil nagpaso na noong Disyembre ng nakaraang taon ang tourist visa nito.
Dumating si Adib sa Pilipinas mula sa Switzerland noong October 10, 2017.
Itinanggi naman ni adib ang alegasyon sa kanya at sinabing nasa bansa sya para magbakasyon at nagtungo sa Maynila, Davao, at Cagayan De Oro. .
Nakatakda siyang maghain ng kontra-salaysay sa katapusan ng Enero.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===