Agarang pagpapatupad ng ilang restrictions, iminungkahi upang maagapan ang pagkalat ng Delta variant sa bansa
Dapat kumilos na ang pamahalaan upang maagapan ang paglaganap ng mga kaso ng Covid-19 Delta variant na ngayo’y kumpirmadong mayroon nang local transmission.
Ayon kay Dr. Guido David, Fellow ng OCTA Research Group, napakabilis kumalat ng mga kaso gaya sa Amerika at Indonesia na halos nagdodoble ang bilang ng mga kaso kada dalawang linggo.
Napakalapit din natin sa Indonesia na itinuturing na epicenter ng Covid-19 Pandemic sa Asya at hindi malayong mapasok tayo ng virus kahit mahigpit ang border control sa mga paliparan dahil may nakakapasok sa pamamagitan lamang ng bangka.
Mula 1.15% ay tumaas pa sa 1.21% ang reproduction rate ng Covid-19 cases sa Metro Manila na itinuturing nang high reproduction rate.
Ilan sa mga rekomendasyon ng OCTA ay ang pagdaragdag ng curfew hours, pagbabawas sa kapasidad ng mga establisimyento, ipagbawal muna ang paglabas ng mga bata, bawasan ang non-essential travel at palakasin pa ang testing, contact tracing at pabilisin pa ang vaccination rollout ng gobyerno.
Nilinaw din ni Dr. David na hindi nila inirerekomenda ang pagpapatupad ng lockdown, kailangan lamang ay magdagdag ng mga restriction.
“Hindi na natin dapat hintayin na dumami ang cases. Yung trend ngayon kamukha siya ng Feb. to March kung saan naguumpisa pa lamang ang surge at tumaas ang reproduction number. Pero noon hindi pa gaanong pinansin kaya pagsapit ng Feb 26 ay inalerto na natin ang mga officials. Kaya bago naaksyunan ay madami na ang nahawa at mataas na ang cases. Hindi naman ito false alarm this is more of precaution”.
Dahil dito, nanawagan ni David sa publiko, tayo na mismo ang kumilos at mag-ingat, bawasan ang social gathering at laging sumunod sa minimum public health standards.
“Tayo na mismo ang kumilos, bawasan nation ang social gathering pwede namang kahit wala yan ngayon, unahin natin ang safety kasi sa ngayon ok pa ang sitwasyon natin pero kung mapuno na naman ang ating mga ospital mas mahihirapan tayo”.