Age limit para sa bibigyan ng AstraZeneca vaccine sa Spain, itinaas sa 65
MADRID, Spain (AFP) — Dinagdagan ng Spain ang maximum age limit para sa mga bibigyan ng AstraZeneca vaccine, mula sa dating 55 ay ginawa na itong 65 yrs. Old.
Nang aprubahan noong Enero ng European Union regulators ang AstraZeneca vaccine para gamitin, inihayag ng Spain na ibibigay lamang ito sa mga wala pang 55-anyos dahil sa kakulangan ng data mula sa trials ng older age groups.
Subalit mula noon, mas maraming trial data na ang nagpakita sa bisa ng bakuna, at sa ibang bansa ay pinalawak pa nga ang paggamit ng AstraZeneca sa mas matatandang binakunahan.
Ayon kay Health Minister Carolina Darias, ang age limit na itinakda sa 55 years ay inabolish na at ginawang 65 years.
Ang pasya ay ginawa dalawang araw bago magresume ang Spain sa paggamit ng AstraZeneca vaccine, matapos ituring ng drug regulator ng EU na ang bakuna ay ligtas at mabisa.
Noong nakaraang Lunes, sinuspinde ng Spain at ilan pang bansa sa Europa ang paggamit sa AstraZeneca vaccine, matapos mapaulat na may kaugnayan ito sa kaso ng blood clots, sa napakaliit na bilang ng mga taong binakunahan nito.
Bagama’t marami nang nagresume sa paggamit ng bakuna, gaya ng Spain na gagamitin na ulit ito, lumitaw sa isang opinion poll nitong Lunes na maraming Europeans ang duda pa rin sa kaligtasan ng AstraZeneca.
Ayon kay Darias . . . “As I have said on other occasions, the vaccines are safe, effective and they save lives.”
Ang Spain ay nakapagbakuna na ng may 2.1 milyong katao mula sa nasa 47 milyon nilang populasyon, kung saan ang karamihan ay mga residente at mga nagtatrabaho sa nursing homes na binigyan ng prayoridad.
Bukod sa AstraZeneca, gumagamit din ang Spain ng Pfizer/BioNTech at Moderna vaccine.
Ang bansa ay nakapagtala ng higit 73, 500 na nasawi dahil sa COVID-19 mula sa higit 3.2 million cases.
© Agence France-Presse