Agoo, La Union isinailalim sa MECQ mula Sept. 10- 16
Isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang munisipalidad ng Agoo sa La Union mula ngayong araw, September 10 hanggang 16.
Batay sa guidelines ng Executive Order (EO) 170 na ipinalabas ni Mayor Stefanie Ann Eriguel, mahigpit na home quarantine ang ipatutupad sa lahat ng Barangay sa nasabing bayan, at limitado ang galaw ng mga residente at tanging essential workers, goods at services lamang ang papayagang pumasok at makalabas ng bayan.
Bawal ding lumabas ang mga nasa edad 15 anyos pababa at nasa 65 anyos pataas.
Epektibo rin ang liquor ban sa panahon ng MECQ.
Samantala, ang pamilihang bayan naman ay bukas tuwing Linggo hanggang Huwebes pero para lamang sa mga residente ng Agoo.
Pinayagan naman ang religious gathering ng hanggang 10 percent capacity pero hinihikayat ang online religious gathering.
Sinabi ni Governor Francisco Emmanuel Ortega III, na hiniling ni Mayor Eriguel ang reclassification ng kanilang bayan mula MGCQ ay gawing MECQ.
Ito ay dahil sa biglaang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng Covid-19 kung saan 38 sa 48 Barangay sa munisipalidad ang may pagtaas ng kaso.
Sa pinakahuling datos, ang Agoo ay mayroon nang 186 active cases.