Agricultural Calamity Indemnification Fund Program, isinulong sa Kamara
Naghain si AGAP Partylist Representative Nicanor Briones ng panukalang batas na nagsusulong na magkaroon ng Agricultural Calamity Indemnification Fund Program.
Batay sa House Bill 3138, sinabi ni Briones na sa ilalim ng programa ay bubuo ng special calamity cash indemnity fund o bayad-pinsala upang makatulong sa mga magsasaka, mangingisda na naapektuhan ng mga natural na sakuna, kalamidad, paglaganap ng mga sakit o epidemya.
Kapag naging ganap na batas ang panukala ni Briones ang Department of Agriculture ang bibigyang-mandato na mamahagi ng tulong sa mabilis at episyenteng paraan sa mga magsasaka.
Ang halaga ng cash indemnity ay depende sa halaga ng nawala o pinsala at hindi bababa ng 50 percent ng production cost.
Inihayag ni Briones batay sa datos ng pag-aaral sa mga nakalipas na taon, ang agricultural output ng bansa ay pataas-pababa at ang karaniwang dahilan ng pagbaba ay bunsod ng mga bagyo, pagbaha, tagtuyot, pagsulpot ng mga peste, pagputok ng bulkan at iba pa.
Naniniwala si Briones na sa pamamagitan ng Agricultural Calamity Indemnification Fund mas maraming sektor ng agrikultura ang makikinabang.
Vic Somintac