Aguirre nagdagdag ng mga piskal na tutulong sa paghawak sa mga reklamo laban sa mga sangkot sa rebelyon sa Marawi City

Nagtalaga si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ng mga karagdagang piskal na aagapay sa paghawak ng kasong rebelyon laban sa mga hinihinalang miyembro at tagasuporta ng Maute terrorist group na nasa likod ng  kaguluhan sa Marawi City.

Ang mga ito ay sina Cagayan de Oro Assistant City Prosecutors Alfonso Vicente Jr., Louie Borja at Ansharey Lalia, Misamis Oriental Assistant Provincial Prosecutors Lito Sanchez at Tadeo Polestico.

Ipapatawag ang mga nabanggit na piskal para tumulong sa inquest proceedings sakaling hindi na kayaning hawakan ng mga kasalukuyang panel of prosecutors ang maraming reklamong rebelyon na isinasampa laban sa mga maarestong suspek sa Marawi City siege.

Kaugnay nito, ni-reorganisa ng kalihim ang ikalawang panel of prosecutors matapos mag-inhibit si Provincial Prosecutor Mangontawar Gubat.

Si Gubat ay pinalitan ni Iligan Deputy City Prosecutor Celso Sarsaba.

Una nang lumikha si Aguirre ng apat na panel of prosecutors na binubuo ng tig-tatlong miyembro na magsasagawa ng inquest proceedings sa loob ng Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City laban sa mga suspek.

Ilan sa naaresto at nakasuhan na sa Korte ang mga magulang ng Maute brothers at founders na sina Ominta Romato Maute alyas Farhana, at Cayamora Maute at sinasabing  bomb maker na si Mohammad Noaim Maute, at dating Marawi City Mayor Fajad Salic.

Ulat ni: Moira Encina

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *