Airspace shutdown tinapos na ng CAAP; Maintenance work sa air traffic management center, maayos na naisagawa
Balik na sa normal ang operasyon ng mga paliparan sa bansa matapos ang corrective maintenance activity sa automatic voltage regulator (AVR) sa air traffic management center (ATMC) kaninang madaling araw.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sinimulan ang maintenance work bandang 1:50 a.m. ngayong Miyerkules, May 3 at natapos ng 3:27 a.m. nang walang antala.
Dahil dito, binawi na ng CAAP ang inisyung Notice to Airmen (NOTAM).
Una nang nag-abiso ang CAAP sa publiko, air carriers at air operators na sususpendihin ang operasyon sa ATMC o isasara ang airspace ng bansa ng 2:00AM hanggang 4:00AM ng Mayo 3 dahil sa gagawing maintenance.
Sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na walang naapektuhang flights sa isinagawang maintenance work sa AVR.
Pero sa abiso ng Philippine Airlines, sinabi na may ilang departure domestic at international flights ang na delayed dahil sa scheduled maintenance.
Sa Mayo 17 muling isa-shutdown ang airspace mula 12:00 AM hanggang 6:00 AM para ituloy ang corrective maintenance sa ATMC.
Kabilang sa mga maapektuhan ang flight operations sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Clark International Airport (CRK), Mactan-Cebu International Airport (MCIA), at ilang flights sa iba pang 42 CAAP commercially operated airports.
Matatandaan na noong Enero 1 ay nagkaroon ng power failure sa ATMC na nagkukontrol sa mga lumalabas at pumapasok sa airspace ng Pilipinas na nagresulta para maapektuhan ang 65,000 pasahero at ang daan-daang flights sa mga paliparan sa bansa.
Moira Encina