Aktor na si Richard Gutierrez ipinababasura sa DOJ ang tax evasion case laban sa kanya ng BIR
Ipinababasura ng aktor na si Richard Gutierrez sa DOJ ang reklamong tax evasion na isinampa laban sa kanya ng BIR.
Humarap si Gutierrez sa DOJ para ihain ang kanyang kontra-salaysay sa tax evasion complaint laban sa kanya at sa kanyang kumpanya na R. Gutz Production Company.
Ang kaso laban sa aktor ay nag-ugat sa kabiguan nito na magsumite ng Income Tax Return at ng dalawang quarterly Value Added Tax Returns at sa underdeclaration ng kinita ng kanyang kumpanya noong 2012.
Umaabot sa 38.57 million pesos ang utang sa buwis na hinahabol ng BIR kay Gutierrez.
Nanindigan ang aktor na nakapaghain siya ng ITR at nakapagbayad ng tamang buwis sa nabanggit na taon.
Bilang katunayan anila ay nagsumite sila sa DOJ ng kopya ng ITR ng R. Gutz Production noong 2012 at ang kumpletong VAT returns kanilang inihain.
Ayon sa abogado ng aktor na si Atty. Mariglen Abraham Garduque, napagkaitan ng due process ang kanyang kliyente ng BIR at masyadong maaga ang paghahain ng kaso laban dito dahil wala silang natanggap na abiso mula sa ahensya sa sinasabing tax liabilities nito.
Ulat ni: Moira Encina