Aktres na si Anne Heche naospital makaraang maaksidente
Naospital at kritikal ang kondisyon ng US actress na si Anne Heche, makaraang bumangga ang kaniyang sasakyan sa isang bahay sa Los Angeles.
Sa ulat ng Los Angeles Fire Department (LAFD), bumangga ang sasakyan sa isang dalawang palapag na bahay sa Mar Vista neighborhood sa Los Angeles, na nagdulot ng pinsala at pinagmulan ng sunog.
Ayon pa sa LAFD, ang lulan ng sasakyan na dinala sa isang area hospital ng kanilang paramedics ay kritikal ang lagay.
Kinumpirma ng US media ang paunang ulat ng celebrity gossip publication na TMZ, na ang babaeng nasa loob ng asul na Mini Cooper ay si Heche.
Ang 53-anyos na aktres ay unang bumangga sa garahe ng isang apartment building bago muling umandar palayo, batay sa images na nakalap ng TMZ.
Kalaunan, ang kaparehong sasakyan ay bumangga at lubhang puminsala sa Mar Vista house, at ayon sa fire department, kinailangan ng 59 na bumbero at inabot ng 65 minuto bago naapula ang apoy.
Ang aktres ay lumabas sa ilang pelikula noong 1990s, gaya ng “Six Days, Seven Nights,” “Donnie Brasco” at “I Know What You Did Last Summer.”
Kilala rin si Heche sa kaniyang papel sa soap opera na “Another World,” kung saan nanalo siya ng isang Daytime Emmy noong 1991.
© Agence France-Presse