Aktres na si Betty White, pumanaw na sa edad na 99
Pumanaw na nitong Biyernes sa edad na 99, ang American actress na si Betty White na higit 7 dekadang nagpatawa sa US television audiences, sa pamamagitan ng mga ginampanang papel sa popular na sitcoms na “The Golden Girls” at “The Mary Tyler Moore Show.”
Ang pioneering Emmy-winning commedienne ang isa sa may pinakamahabang careers sa kasaysayan ng showbiz. Nagsimula siyang regular na lumabas sa telebisyon noong 1949 at nagboses din sa “Toy Story 4” noong 2019.
Ayon sa law enforcement sources, namatay si White sa kanilang tahanan nitong Biyernes. Hindi naman agad inihayag ang sanhi nito.
Makaraan ang balita ay bumuhos ang pakikiramay sa mga naulila ng aktres.
Ayon kay US President Joe Biden . . . “Betty White brought a smile to the lips of generations of Americans. She’s a cultural icon who will be sorely missed.”
Pahayag naman ng Academy of Motion Pictures Arts and Sciences na siyang namamahagi ng Oscars . . . “White was a legend, trailblazer and cultural icon who blessed generations with her talent and humor. She will be truly missed.”
Si White ay isa sa mga unang babaeng producer sa 1955 sitcom na “Life With Elizabeth,” kung saan siya rin ang gumanap.
Sa pangkalahatan, nagwagi siya ng limang primetime Emmys, dalawang daytime awards kasama ang isa para sa lifetime achievement, at isang regional Emmy sa Los Angeles.
Si Betty Marion White ay isinilang noong January 17, 1922 sa Chicago. Ang pamilya nila ay lumipat sa California sa panahon ng Great Depression.
Bukod sa pagiging aktres, si White ay naging model din, naging miyembro ng American Women Voluntary Services sa panahon ng World War II, naging radio personality, tagabasa ng commercials at gumanap ng maliliit na papel.
Ang una niyang regular television work ay noong 1949 sa variety show na “Hollywood in Television.” Ilang taon makalipas, naging co-creator siya ng “Life with Elizabeth.”
Bukod sa marami niyang Emmy awards, si White ay napabilang sa Television Academy Hall of Fame noong 1995.
Nanalo rin siya ng tatlong Screen Actors Guild awards, kabilang ang isang lifetime achievement trophy noong 2010 at noong 2011, nag-uwi siya ng Grammy award para sa audio version ng isa sa kaniyang mga libro.
Noong 2010 sa edad na 88, si White ang naging “oldest-ever host of the long–running comedy sketch show na Saturday Night Live.”
Ayon kay White . . . “The experience was probably the most fun I’ve ever had, and the scariest.”
Gumanap din ng papel ang aktres sa “Hot in Cleveland” ng TV Land at naging host ng hidden camera prank show na “Off Their Rockers” at maging ng ni-revamp na game show na “To Tell The Truth.”