Alamin ang bagong technology sa pag-aalaga ng tilapia
Isa ang tilapia sa mga isdang paborito ng mga Pinoy at sinasabing pumapangalawa sa bangus kung ang pag-uusapan ay dami ng produksyon.
Madali itong alagaan at mas mura kumpara sa ibang isda na nabibili sa palengke.
Kaugnay nito, isang teknolohiya para mapabuti ang produksyon at makatulong sa mga nagnanais na mag alaga nito ang nadevelop ng Central Luzon State University o CLSU Research and Development Facility.
Tinawag ang technology na Zeolite-Silica Nanocomposite o ZNC.
Ito ay ginagamit bilang soil at water conditioner para sa aquaculture.
Sa pamamagitan ng ZNC, tataas ang kalidad at malilinis ang tubig upang maging angkop sa pag aalaga ng aquatic species tulad ng Tilapia.
Kapag malinis ang tubig na gagamitin para sa produksyon ng tilapia, makatitiyak na marami ang aanihin at makatutulong ito ng malaki sa kabuhayan ng mag aalaga.
Samantala, isang pasilidad naman ang nailunsad at pinondohan ng DOST-MIMAROPA sa pamamagitan ng programang tinawag na Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP.
Ito ang Solar Powered Tilapia and Milkfish Hatchery and Intesive Aquaculture for White Shrimp.
Ayon kay Provincial Science and Technology Director Jesse M. Pine, Science Research Specialist II ng DOST-MIMAROPA, ang naturang pasilidad ay magagamit para sa grow out at production ng high quality fingerlings ng Tilapia.
May payo naman si Engr. Eduardo Manalili, Director ng Inlad Aquatic Resources Research Division o IARRD ng PCAARRD sa mga nagnanais na mag-alaga ng tilapia.
Aniya, bago mag-alaga ng tilapia, mahalagang may kaalaman tungkol sa tilapia culture at processing upang maging matagumpay sa pag-aalaga.
Bukod dito, dapat na napananatili ang pinagkukunan ng tubig at hinukay na lupa na siyang magiging fishpond.
Isa sa magandang katangian ng tilapia, bagaman ito ay isdang tabang may kakayanan nitong mabuhay sa ibat ibang lebel ng salinity, kahit pa sa tubig alat.