Albay 2nd Representative Joey Salceda hiniling sa Korte Suprema na ipatigil ang implementasyon ng MMDA sa provincial bus ban sa EDSA
Dumulog sa Korte Suprema si Albay Second District Representative Joey Salceda para ipatigil ang implementasyon ng MMDA sa provincial bus ban sa EDSA.
Sa kanyang petisyon, hiniling ni Salceda sa Supreme Court na magpalabas ng TRO o injunction laban sa MMDA regulation No. 19-002 Series of 2019 na nagbabawal at nagpapawalang bisa sa mga permits sa lahat ng provincial bus terminal at mga operators sa EDSA.
Kapag ipinatupad anya ang kautusan ay mapipilitan ang provincial bus terminals na magsara at ang mga pasahero galing probinsya na bumaba sa itinalagang terminal sa Sta Rosa, Laguna.
Ipinunto ni Salceda na anti-poor at anti -majority ang kautusan ng MMDA dahil dagdag gastos at perwisyo ito sa mga pasahero na karamihan ay mahihirap.
Iginiit ng kongresista na hindi ang mga bus galing sa probinsya ang sanhi ng problema sa trapiko sa EDSA dahil anim na libo lang sa 330 thousand na behikulo na bumabaybay sa EDSA ang mga provincial buses.
Ang dapat anyang pagtuunan ng MMDA ay ang mga pribadong sasakyan na may iisa lang na pasahero na umaabot sa 270 thousand ang dumadaan sa EDSA.
Ayon pa sa Kongresista, nagkaroon ng pag-abuso sa kapangyarihan ang MMDA at nilabag ang prangkisa ng mga provincial bus.
Bigo rin anya ang MMDA na konsultahin ang mga commuters na apektado sa provincial bus ban.
Ulat ni Moira Encina