Albay Governor Noel Rosal , inatasan na ng Comelec na kusang bumaba sa pwesto
Inatasan na ng Commission on Elections si Albay Governor Noel Rosal na kusang loob ng bumaba sa pwesto.
Ayon kay Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, naisilbi na ang writ of execution laban kay Rosal.
Una rito, naglabas ng resolusyon ang Comelec en banc na pumapabor sa disqualification case laban kay Rosal na isinampa ng isang Joseph San Juan Armogila.
Nag- ugat ito sa pamimigay ng ayuda ni Rosal para sa mga tricycle drive sa Albay kahit umiiral na ang campaign period.
Ayon kay Laudiangco, dapat kasi ay humingi muna ng exemption si Rosal mula sa poll body para maipagpatuloy ang pamamahagi ng ayuda ng lokal na pamahalaan kahit panahon na ng kampanya.
Ayon sa Comelec, pwede naman daw umapila si Rosal sa Korte Suprema para sa Temporary Restraining Order noong unang inilabas ang Comelec decision.
Bagamat nakapaghain ng petisyon para sa TRO ang kampo ni Rosal, wala pa naman daw inilalabas na TRO ang SC.
Dahil sa order na ito ng Comelec, ang vice governor na ng Albay ang magiging gobernador, habang aakyat naman sa pwesto ang number 1 member ng Sangguniang Panlalawigan.
Ang mga supporter naman ni Rosal, nagtipon sa Peñaranda Park sa Albay bilang pagpapahayag ng suporta rito.
Habang nanawagan naman si Rosal sa kanyang supporters na manatiling kalmado.
Madelyn Villar – Moratillo