Alegasyon ng ‘bribery’ ni Cong. Teves sa DOJ, tinawag na basura ni SOJ Remulla
“Basura” at “Baloney.”
Ito ang tugon ni Justice Secretary Crispin Remulla sa alegasyon ng mga abogado ni Congressman Arnolfo Teves Jr. na inalok umano ng milyun-milyong piso ng isang opisyal ng Department of Justice (DOJ) ang sinasabing co- mastermind sa Degamo killing na si Marvin Miranda.
Sinabi pa ni Remulla na wala siyang dapat na patunayan kay Teves at ito ang dapat na umuwi ng bansa para sagutin ang mga reklamo laban dito.
Aniya, kung talagang matapang si Teves ay bumalik na ito ng bansa lalo na’t may mga subpoena na in-isyu ang piskalya rito kaugnay sa mga reklamong isinampa sa kaniya.
Iginiit ng kalihim na dapat igalang ni Teves ang batas at legal process ng bansa at huwag nitong gawing katawa-tawa sa social media ang pagpatay sa 10 biktima.
Sa pagtaya ni Remulla ay maaaring abutin ng dalawang linggo hanggang tatlong linggo ang pagdinig at ang desisyon ng DOJ panel of prosecutors sa murder complaint laban sa kongresista.
Moira Encina