Alegasyon ng police brutality sa raid sa POGO hub sa Las Pinas itinanggi ng PNP
Mariing itinanggi ng Philippine National Police o PNP ang alegasyon ng police brutality sa isinagawang raid ng pulisya sa isang POGO hub sa Las Piñas City.
Sinabi ni Police Brig. General Red Maranan, hepe ng PNP Public Information Office, walang katotohanan ang alegasyon ng abugado ng Xinchuan Network Technologies na tatlo sa mga foreign nationals na nagtangkang tumakas sa compound ay nagtamo ng serious injuries at ang isa ay nagtamo umano ng tama ng bala.
Sa panayam ng programang Ano sa Palagay Nyo? o ASPN, sinabi ni Maranan na walang katotohanan ang nasabing mga alegasyon.
“Yang allegations ng police brutality ay pinasisinungalingan natin yan, dahil wala naman pong nangyaring ganun… Wala po, pinasisinungalingan natin yan, wala pong serious injuries kundi mga gasgas lang, dahil nga po sa pagpumilit na akyatin ang bakod na may barb wire at yung sinasabi nilang may gunshot wound na biktima ng stray bullet sa loob ay wala pong ganung pangyayari,” dagdag na pahayag pa ni Gen. Maranan
Nanindigan din ang PNP na legal at may basehan ang ginawang raid ng PNP sa nasabing POGO Hub kung saan mahigit sa dalawang libo na hinihinalang biktima ng human trafficking ang nailigtas.
“Ang gusto nating i-point out dito ay legal at legitimate ang pagpasok ng ating kapulisan dyan para i-implement yung kautusan ng korte. na i-implement nga yung pitong search warrants, yun ang legal basis natin bakit tayo pumasok dyan,” dagdag pa ni Gen. Maranan
Gayunman, hindi pa aniya pinapalabas ang nasa 1,200 foreign nationals na kasama sa mga nagta-trabaho sa loob ng compound dahil sa metikulosong pag-proseso o profiling at evaluation ng mga ito.
Sinabi ni Maranan na sa evaluation, natukoy ang apat na Chinese nationals na pugante pala sa China at itinurn-over sa Chinese Embassy at Bureau of Immigration para sa deportation.
Dagdag pa ng opisyal, ipinagharap na ng non-bailable na kasong trafficking of human ang limang operator ng POGO Hub at nasa custody ngayon ng PNP Anti-Cybercrime Group habang naghihintay na pormal na maisagawa ng imbestigasyon sa kaso.
Weng dela Fuente