Alert Level 1 sa Israel, pinanatili ng DFA
Mananatili sa Alert Level 1 ang Israel ayon Department of Foreign Affairs (DFA) kasunod ng ceasefire sa Gaza Strip.
Ikinalugod ng DFA ang paghinto ng labanan sa Gaza Strip at umaasa ang kagawaran na magpapatuloy ang ceasefire sa lugar.
Nanawagan din ang DFA sa mga partido na respetuhin ang ceasefire agreement at maging mahinahon.
Ayon sa DFA, walang iniulat na Pilipino na nadamay sa bakbakan.
Tiniyak na binabantayan ng Philippine Embassies sa Tel Aviv at Amman ang sitwasyon sa nasabing lugar.
Pinaalalahan naman ng DFA ang mga Pinoy sa Gaza Strip at mga katabing lugar na manatili sa kanilang tahanan at umiwas sa mga pampublikong lugar sa kabila ng ceasefire.
Hinimok din ang mga Pinoy na patuloy na i-monitor ang lagay ng seguridad sa lugar sa pamamagitan ng official communication channels ng mga embahada.
Tinatayang mahigit 40 Palestinians na ang nasawi sa ilang araw na labanan sa pagitan ng Israel forces at Palestinian Jihad militant group.
Moira Encina