Alert level 2 sa buong bansa , mananatili hanggang December 31 – Malakanyang
Pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter Agency Task Force o IATF na panatilihin sa alert level 2 sa buong bansa kaugnay sa patuloy na pagharap sa pandemya ng COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles mula December 16 hanggang December 31 mananatili sa alert level 2 ang buong bansa.
Ayon kay Nograles, bagamat patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 minabuti ng IATF na panatilihin ang alert level 2 sa buong bansa dahil sa banta ng Omicron variant.
Inihayag ni Nograles, mananatili din ang restrictions na nilagdaan ng IATF sa ilalim ng alert level 2 lalo na sa mga social gathering kung saan pinapayagan lamang ang 50 percent capacity sa mga indoor at 70 percent sa outdoor venue.
Kaugnay nito pinaalalahanan ng Malakanyang ang publiko na panatilihin ang pag-iingat at tamang pagsunod sa standard health protocol sa mga isasagawang selebrasyon ng holiday season at pagsalubong sa bagong taon dahil patuloy ang banta ng pandemya ng COVID-19.
Vic Somintac