Alert level 4 , itinaas na ng Pilipinas sa mga pinoy sa Myanmar dahil sa malalang kaso ng COVID-19 delta variant
Inilagay na ng Department of Foreign Affairs o DFA sa alert level 4 sa mga pinoy na nasa bansang Myanmar dahil sa malalang kaso ng Delta variant ng COVID-19.
Sa virtual press briefing ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa Malakanyang sinabi ni Philippine Ambassador to Myanmar Eduardo Kapunan na magpapatupad na ng repatriation ng mga pinoy pabalik ng Pilipinas.
Ayon kay Ambassador Kapunan inabisuhan na ang 500 pinoy na nasa Myanmar na magpalista sa embahada para sa isasagawang repatriation.
Inihayag ni Kapunan na 150 mga pinoy lamang ang gustong bumalik sa bansa.
Niliwanag ni Kapunan ayaw umuwi ng 350 mga pinoy dahil sa pangambang walang trabaho na mapapasukan pagdating sa Pilipinas kaya pinili na manatili sa Myanmar kahit matindi ang banta ng Delta variant ng COVID 19 kasabay pa ng banta sa seguridad dahil nasa ilalim ng military junta ang gobyerno ng Myanmar.
Iniulat ni Kapunan na mayroong 59 na pinoy ang pauuwiin sa Pilipinas sa August 3 at mayroon pang inihahandang 2 flights para sa mga susunod na uuwi sa Pilipinas mula sa Myanmar.
Vic Somintac