Alert Level sa Metro Manila, maaaring itaas agad kung dumami muli ang kaso ng Covid-19
Hindi nakatali sa 14 na araw na obserbasyon ang pagtataas ng Alert Level system sa National Capital Region.
Ito ang ginawang paglilinaw ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque matapos na ilagay sa Alert Level 2 ang Metro Manila noong November 5.
Sinabi ni Roque, malinaw sa guidelines ng Inter-Agency Task Force na kapag nakitang dumarami ang kaso ng COVID-19 sa NCR ay agad itong ibabalik sa mas mataas na alert level.
Inihayag ni Roque maaaring makontrol na ang paglaganap ng COVID-19 sa Metro Manila dahil nasa mahigit 80% na ang bakunado sa NCR.
Gayunman ayon kay Roque hindi dapat na magpakampante ang mga residente ng NCR kahit na bumababa na ang attack at transmission ng COVID-19 dahil maaari pa rin itong agad na tumaas sa sandaling magpabaya ang publiko at hindi sumunod sa ipinatutupad na standard health protocol.
Vic Somintac