Alert level sa NCR para sa Oktubre at pagbabakuna sa general population kabilang ang mga menor de edad, pag-uusapan ng IATF ngayong araw
Muling magpupulong ang Inter-Agency Task Force ngayong araw.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kasama sa agenda ng meeting ay kung palalawigin pa o ibababa na ang Alert Level 4 sa Metro Manila na nagsimulang ipatupad noong September 16 at magtatapos ngayong September 30.
Sinabi ni Roque kasama din sa pag-uusapan sa pulong ng IATF ang pagpapatupad ng pagbabakuna para sa general population at mga menor de edad laban sa COVID-19.
Inihayag ni Roque, mahalagang matukoy kung mayroong mga cold storage ang mga lugar na pagdadalhan ng mga anti-COVID-19 vaccine lalu na ang gagamitin sa mga menor de edad.
Sa ngayon tanging ang bakuna ng Pfizer at Moderna na gawang Amerika ang mayroong Emergency Used Authorization para magamit ng mga kabataan mula 12 hanggang 17 taong gulang.
Vic Somintac