Alkalde ng Calbayog City, patay sa shooting incident
Natadtad ng tama ng bala ang sasakyan ng alkalde ng Calbayog City, matapos magkaroon ng barilan sa Labuyao Bridge, Barangay Lonoy sa Calbayog City, Western Samar nitong Lunes, Marso 8, bandang ala-5:30 ng hapon.
Sa pinakahuling report ng Phil. National Police (PNP) kaugnay ng shooting incident na kinasasangkutan ng mga tauhan ng pulisya at grupo ni Mayor Ronaldo Aquino, anim ang nasawi, dalawa naman ang sugatan at isa ang nawawala.
Kabilang sa anim na nasawi si Mayor Aquino, PSSG. Rodio Sario, security; Dennis Abayon, driver; Clint John Paul Yauder, civilian; PSSG. Romeo Laoyon, pulis; PCAPT. Joselito Tabada, chief of police ng Gandara at siya ring PDEU chief.
Sugatan naman sina Mansfield Labonite, kasama ng alkalde at PSSG. Neil Cebu, pulis. Patuloy namang pinaghahanap ang isa pang pulis.
Kaugnay ng insidente ay binuo ng PNP ang special investigation task group calbayog shooting incident, habang patuloy din ang SOCO sa pag-iimbestiga sa crime scene para ma-determina at ma-assess, ang trajectory ng mga bala at iba pang ebidensya kaugnay sa insidente.
Bukod sa binuong special investigation task group ng pnp, itinalaga rin ng Department of Justice (DOJ) ang NBI para mag-imbestiga sa pangyayari.
Ang Regional Director ng Internal Affairs Service Region 8 sa pangunguna ni Pol. Col. Joker Cuanso, ay magsasagawa naman ng administrative investigation sa mga kagawad ng pulisya na sangkot sa insidente.
Ulat ni Miriam Timan