‘All systems go’ na para sa absentee voting – Comelec
Sinabi ng Commission on Elections (Comelec), na handa na itong pangasiwaan ang local at overseas absentee voting para sa darating na halalan.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia . . . “‘All systems go’ na po kami when it comes to absentee voting.”
Sinabi pa ni Garcia na handa na rin ang komisyon na pangasiwaan ang voting system para sa persons deprived of liberties (PDLs).
Sa briefing noong nakaraang linggo, iniulat ni Garcia na nakatanggap ang komisyon ng kabuuang 93,819 local absentee voting (LAV) applicants.
Mula sa nasabing bilang ay 93,567 ang na-verify ng komisyon na registered voters, habang 84,221 lamang ang naaprubahang bumoto bilang local absentee voters.
Ni-reject naman nito ang 9,346 LAV applications, dahil ilan sa mga aplikante ay hindi rehistrado para bumoto, ang iba ay may deactivated registrations, habang ang iba ay hindi nakapag-apply sa takdang panahon.
Ayon kay Garcia . . . “It is unfortunate that many of those who applied were removed or were not approved because they were not registered voters, or for some of our media practitioners, they did not vote in two consecutive elections, so they are no longer registered. In the meantime, they are deactivated.”
Sinabi ng Comelec na mayroong higit sa 7.229 million deactivated voters.
Samantala, sinabi ni Garcia na nakahanap sila ng paraan para payagan ang mga botanteng Pinoy na boboto sa pamamagitan ng postal mail. Una nang humingi ang komisyon ng dagdag na pondo para ibili ng postage stamps para sa mail-in votes.
Ang mga Pinoy sa ibang bansa ay may option na magsagawa ng in-person voting sa pamamagitan ng Philippine embassy o consulate sa kanilang area o sa pamamagitan ng pag-mail sa kanilang balota. Ang mga balota ay bibilangin ng mano-mano o sa pamamagitan ng isang automated election system.
Ani Garcia . . . “Hopefully, in the future and we call on Congress to consider it, maybe we can make online voting available as well. It’s a good option as long as we ensure that we can secure [and] protect the vote of our countrymen.”
Ang kabuuang bilang ng overseas voters para sa 2022 national and local elections ay 1.697 million, batay sa Comelec data.
Hinimok ni Garcia ang overseas Filipino voters na gamitin ang kanilang karapatang bumoto. Aniya . . . “Please don’t ignore this, this is your chance to elect a leader for our future.”
Maaaring bumoto ang LAVs mula April 27 – 29, habang ang overseas absentee voters naman ay may pagkakataong bumoto simula sa April 10 hanggang May 9.