Ambassador ng Brazil na nambugbog ng kasambahay darating na sa November 2
Maaring maharap sa kasong kriminal at administratibo si Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro.
Itoy kapag napatunayan ang mga lumabas sa video na inaabuso at minamaltrato nito ang kaniyang kasambahay.
Ayon kay Senator Christopher Bong Go, nakarating na sa pangulo ang sumbong laban kay Mauro at inatasan si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin jr. na magsagawa ng impartial investigation batay sa itinatakda ng foreign service law.
Nakasaad sa naturang batas na hindi maaring imbestigahan ng board o patalsikin sa pwesto ang isang chiefs of mission na itinalaga ng pangulo bilang ambassadors extraordinary at plenipotentiary maliban na lamang kung may direktiba ang pangulo.
Malinaw aniya ang utos ng Pangulo na anuman ang social status, pantay pantay dapat ang mga pilipino at importante na lumabas ang katotohanan at maparusahan kung mapatunayang nang-api.
Iginiit naman ng Senador na malinaw sa batas na dapat protektahan ang karapatan at tingnan ang kaligtasan ng mga manggagawang pinoy na nasa ibang bansa.
Sa kaniyang impormasyon, si mauro ay inaasahang darating sa bansa sa November 2.
Kasabay nito, hinimok ng senador ang biktima na dumulog sa kaniyang tanggapan.
Ang biktima ay nasa bansa na aniya na naunang dumating sa pilipinas bago si Mauro.
Meanne corvera