Amerikano na sinasabing lider ng pyramiding scam syndicate, arestado sa Davao ng BI
Timbog ng Bureau of Immigration sa Davao City ang isang Amerikano na itinuturong lider ng notorious pyramiding scam syndicate sa ilang lugar sa Mindanao.
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente, naaresto ang Amerikano na si James Edward Booyer III, 36 anyos sa kanyang tahanan sa Fairlanes Subdivision, Damosa District, Davao City.
Mismong si Davao City Mayor Sara Duterte anya ang nag- utos sa BI na maglabas ng mission order para arestuhin ang dayuhan.
Ayon sa BI, marami nang nabiktima sa Davao at ilang bahagi ng Mindanao si Booyer na overstaying na rin sa bansa.
Modus ng grupo ni Booyer na manghingi ng 300 pesos membership fee sa mga biktima at pinangangakuan silang makakapag-avail ng 50,000 pesos na halaga ng groceries.
Nabatid na hinihingan din ng pera ng grupo ni Booyer ang ilang Lumad kapalit ng pagtuklas ng mineral deposits sa kanilang mga lupain.
Ulat ni Moira Encina