Amerikanong pari na wanted sa US dahil sa illicit sexual conduct, arestado ng BI sa Biliran
Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto ng mga tauhan nito sa isang Amerikanong pari na wanted sa US dahil sa pagkakasangkot sa illicit sexual conduct o pangmomolestya sa mga kabataan.
Kinilala ng BI ang pari na si Kenneth Bernard Hendricks, 77 taong gulang na natimbog ng mga ahente ng BI Fugitive Search Unit sa Biliran.
Nabatid na 37 taon ng nasa Pilipinas si Hendricks na naninilbihan bilang pari.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, inaresto si Hendricks dahil sa pagiging banta sa kaligtasan at seguridad ng publiko.
Mayroon anyang warrant of arrest laban dito sa Amerika dahil sa “illicit sexual conduct in foreign places”
Ang pari ay inirereklamo ng pangmomolestya sa tinatayang mahigit 50 biktima na karamihan sa ay pawang naging sakristan ng kanyang pinagsilbihang parokya.
Iginiit ng BI na hindi nila hahayaan ang kagaya ni Hendricks na pagsamantalahan ang mga kabataan.
Ang mga tao katulad anila ng nasabing pari ay dapat na patalsikin at pagbawalan na makapasok ng Pilipinas.