Amerikanong wanted dahil sa pagdukot sa kanyang mga anak, arestado ng BI sa Samal Island
Arestado ng Bureau of Immigration ang isang Amerikano na wanted sa Alaska dahil sa pagdukot sa dalawa niyang anak at pagdala sa mga ito sa Pilipinas.
Ayon sa BI, nakapiit na sa kanilang detention facility sa Taguig City ang pugante na kinilalang si Leo James Chaplin, 60 anyos.
Nadakip si Chaplin sa loob ng kanyang bangka sa Ocean View Yacht Club sa Samal Island, Davao del Norte.
May warrant of arrest na inisyu ang US district court sa Alaska laban kay Chaplin dahil sa kasong international parental kidnapping.
Agad na ipapadeport ng BI si Chaplin dahil may deportation order na laban sa kanya noon pang Hunyo ng nakaraang taon bunsod ng pagiging undesirable at undocumented alien.
Sinabi ng BI na dumating sa bansa ang Amerikano apat taon nang nakakaraan at iligal nang nanatili sa Pilipinas matapos magpaso ang working visa noong 2017.
Inilagay na sa blacklist ng BI si Chaplin para hindi na muli makabalik ng bansa.
Ulat ni Moira Encina