Amerikanong wanted sa kasong rape at kidnapping, arestado ng Bureau of Immigration
Ipapadeport ng Bureau of Immigration (BI) ang Amerikanong wanted sa kasong rape at kidnapping sa Alaska na naaresto sa Angeles City, Pampanga.
Nadakip ng mga tauhan ng BI Fugitive Search Unit sa apartment nito sa Pampanga si Carmen Daniel Perzechino Jr., 57 anyos sa bisa ng mission order.
Ayon sa BI, nagtago sa Pilipinas noong Pebrero ang dayuhan matapos mabatid na nakatakda na siyang arestuhin ng mga otoridad sa US.
Ipinawalang-bisa na ng US State Department ang pasaporte ni Perzechino para agad maipadeport na ito dahil sa pagiging undocumented alien.
Ang warrant of arrest laban kay Perzechino ay inisyu ng Superior Court sa Kenai, Alaska dahil sa krimen na ginawa nito noong 2001 o 18 taon na ang nakakaraan.
Sa oras na mapadeport ay ilalagay ng BI sa blacklist ang Amerikano para hindi na makapasok muli ng bansa.
Ulat ni Moira Encina