Amyenda sa Plumbing Law isinulong sa Kamara para sa mas maayos na supply ng tubig
Panahon na para amyendahan ang 1955 Plumbing Law na umiiral pa rin hanggang ngayon.
Ito ang inihayag ni Congressman Joel Chua, Vice Chairman ng House Committee on Metropolitan Manila Development at miyembro ng House Committee on Housing and Urban Development sa kanyang pagdalo sa 18th National Convention of the Philippine Society of Master Plumbers.
Hiniling ni Chua ang expert inputs ng mga master plumbers at mga plumbing engineers sa bansa upang ma-amyendahan ang Plumbing Act of 1955 at mai-akma sa pangangailangan sa kasalukuyang sitwasyon ng water supply sa mga industrial at household.
Sinabi ng Kongresista na ang lumang batas ang dahilan kaya hindi maisa-ayos ang mga daluyan ng potable water kaya lalong lumalaki ang water expenses dahil dumi-depende ang publiko sa mga purified bottled water.
Sa kabuuan ay mayroon lamang 530 water districts sa buong bansa na pinakikinabangan lamang ng 23.8 milyong indibidwal mula sa 110 milyong populasyon ng Pilipinas.
Nasa 86 milyong populasyon ng bansa ang wala ring access sa maayos na supply ng tubig lalo na sa mga liblib na lugar kung saan umaasa sila sa deep well, ilog at sapa na lubhang mapanganib sa kalusugan.
Vic Somintac