Anak ni Justice Secretary Remulla absuwelto sa drug case
Ibinasura ng Las Piñas City Regional Trial Court ang kasong possession of illegal drugs laban sa anak ni Justice Secretary Crispin Remulla na si Juanito Jose Remulla III.
Sa 34- pahinang desisyon na inilabas ni Las Piñas City RTC Branch 197 Acting Presiding Judge Ricardo Moldez II, sinabi na absuwelto ang batang Remulla dahil sa reasonable doubt o may pag-aalinlangan.
Nahulihan si Juanito Jose ng 900 gramo ng high-grade marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P1.3 milyon sa isang controlled delivery ng PDEA at NAIA Inter- Agency Drug Interdiction Group Task Group noong Oktubre 11, 2022 sa Las Piñas City.
Ayon sa hukom, walang ebidensya ang prosekusyon na alam ng akusado na naglalaman ng marijuana ang delivery.
Sinabi pa ng judge na kwestiyonable rin ang chain of custody ng droga o kung papaano ito itinago at ipriniserba mula nang madiskubre noong Setyembre 28, 2022.
Binanggit pa sa ruling ang “glaring lapses” at iregularidad sa parte ng mga alagad ng batas.
Kaugnay nito, iniutos din ng korte na palayain si Juanito Jose mula sa Las Piñas City Jail kung saan ito nakapiit.
Tumanggi namang magkomento si Secretary Remulla sa pagkakaabsuwelto ng kaniyang anak.
May hiwalay na reklamo pa ng illegal drugs importation ang batang Remulla sa piskalya sa Pasay City.
Moira Encina