Ang Iglesia Ni Cristo ay relihiyon, hindi family corporation — INC spokesperson
Sa kabila ng mga patuloy na pagmamatigas ng kampo ni Ginoong Angel Manalo at Lottie Hemedez ukol sa hindi pagsunod sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, muling nag-isyu ngayong Biernes, Enero 15, 2015 ng pahayag ang Iglesia Ni Cristo na ito ay hindi isang “family corporation” at ang mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia ang panghahawakan at susundin nito.
Ayon kay Ka Edwil Zabala, ang tagapagsalita ng Iglesia Ni Cristo, ang pagmamatigas ng kampo ng mga natiwalag na sina Angel, Lottie at kanilang mga kasamahan at paglaban sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ay labag sa mga aral ng Biblia na itinataguyod ng Iglesia.
“Nais naming ulitin na ang INC ay hindi family corporation. Ito ay relihiyon na naninindigan sa pagsunod sa aral ng Diyos na nasa Biblia. Kaya maging ang mga patakaran na ipinatutupad sa Iglesia ay ayon sa Biblia. Ang Kapatid na Eduardo Manalo, bilang Tagapamahalang Pangkalahatan ay nanumpa na itataguyod niya ang mga simulaing ito, maging sa pagkupkop niya sa kaniyang mga kaanak, kapatid at ina,”ayon pa kay Ka Edwil Zabala.
Ang sabi nga ng Panginoong Jesucristo sa Mateo 12:47-50 (The Message): While he was still talking to the crowd, his mother and brothers showed up. They were outside trying to get a message to him. Someone told Jesus, “Your mother and brothers are out here, wanting to speak with you.” Jesus didn’t respond directly, but said, “Who do you think my mother and brothers are?” He then stretched out his hand toward his disciples. “Look closely. These are my mother and brothers. Obedience is thicker than blood. The person who obeys my heavenly Father’s will is my brother and sister and mother.”
Ipinaliwanag pa ng tagapagsalita ng Iglesia na “ang pangunahing kahayagan” ng pag-aalaga ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo sa buong Iglesia ay “turuan at pangunahan sila sa pagsunod sa mga kalooban ng ating Panginoong Diyos.”
“Makapagpapatotoo ang iba pang kaanak at kapatid ng Kapatid na Eduardo Manalo na itinataguyod niya ito kasabay nang pagkalinga sa kanilang pangangailangang materyal. Subalit kung ayaw nang sumunod sa aral ay kailangan din na ipatupad ang disiplinang itinatadhana sa Biblia,” ayon pa sa pahayag ng INC.
Idiniin din ni Ka Edwil Zabala na haharapin ng INC ang lahat ng isinasampang kaso ukol sa falsification of public documents ng kampo ni Lottie Hemedez.
“Handa po ang INC na harapin ang lahat ng akusasyon nila sa korte,” ayon pa sa tagapagsalita ng INC.
Sinabi pa niyang kung hindi pahahalagahan nina Angel, Lottie at mga kasamahan nito ang eviction notice ay itutuloy ng INC ang pagdulog sa hukuman para sa ejectment case laban sa kanila.
Nagsagawa ng press briefing ang kampo ni Lottie Hemedez, kung saan piling miembro ng media lamang ang pinapasok. Hinarang ang team ng NET 25-Eagle News Service.
Sa nasabing presscon, iginiit diumano ni Ginang Lottie na di sila aalis sa INC property.