Ang nurse sa panahon ng pandemya
Hello sa inyong lahat mga kapitbahay! Kamakailan ay nakakuwentuhan natin sa programang Kapitbahay si Dr. Nerissa Gerial, Deputy Executive Director for Nursing Services ng National Kidney and Transplant Institute, NKTI.
Naitanong ko sa kanya kung ano ba ang coping mechanism niya noong nurse pa lamang siya at ngayong may malaganap na sakit, ang Covid-19. Ang sabi niya, ngayon man lalo na noong simula, talagang nakakatakot, nakaka-stress lalo na para sa mga nurse na nasa Covid areas.
Hindi aniya maiaalis na isipin na baka mahawahan at ang iisipin ay ang kapakanan ng pamilya. Kaya mabuti nga na ang gobyerno ay nagprovide ng pansamantalang matutuluyan ng mga healthworker.
Nandoon pa rin ang takot, sabi niya hindi naman mawawala ito pero mas nabawasan na dahil mas alam na ngayon kung paano proteksiyunan ang mga sarili sa loob ng ospital.
Tanong ko naman sa kanya kung ano ba ang masasabing ‘rewarding’ sa pagiging isang nurse? Ang pagiging nurse, sabi ni Doc Neriz is the art of caring. Dapat nasa puso ng isang nurse ang tumulong at mapagaling ang mga pasyente sa pamamagitan ng pag-aalaga.
Ang mga nurse, halimbawa, sa loob ng Operating Room kapag naging successful ang operation, masaya kami. Sa ward naman, ER o ICU kapag may may pasyenteng gumaling at umuwi nang maayos, kaligayahan na para sa amin. Fulfillment ito ng isang nurse.
Samantala, sa mga pasyente na minsan ay pasaway, reklamador, ito ang sabi ni Doc Neriz, hindi maiaalis na may ibang pasyenteng demanding o matanong lalo pa nga’t nais nilang malaman ang nangyayari sa kanila.
Minsan, ito ang nakakadagdag ng stress sa nurse lalo pa nga at pati pamilya ng pasyente ay matanong din. Huwag na ipagkamali na mali ang magtanong, nauunawaan naman daw nila. Kaya nga isa sa laging ipinapaalala sa mga nurse ang pagiging mahaba ang pasensiya.
Kailangan ay pang-unawa at pagsagot ng maayos. Kahit minsan nasisigawan ng pasyente pati ng pamilya ng pasyente, pero tuloy pa rin ang buhay, dahil ito ay isang tungkulin at serbisyo sa bayan.
Siyanga pala si Doc Neriz ay tumanggap ng parangal, ang Consuelo Gomez Arabit Award for Excellence in Perioperative Nursing.