Ang Pagbabalik ng Nutribun
Batang seventies ka ba? Kung oo, tiyak na pamilyar ka sa nutribun. Kung ikaw ay nag-aral sa pampublikong paaralan ipinamimigay ito ng libre.
O sige para dun sa mga hindi naabutan ang nutribun, ito yung bilog at medyo may katigasan na tinapay ( hindi naman parang bato sa tigas ) na ipinamimigay sa mga nasa kinder hanggang grade 6 at may kasama pang gatas, minsan ay sopas.
Isang complete meal na naglalayon na labanan ang malnutrisyon.
Nalathala na noong 1970-1971, nasa 30 milyong piraso ng nutribun ang ipinamigay sa 200,000 bata mula grade one hanggang grade six.
Pero, ano nga ba ang kaibahan ng Enhanced Nutribun sa Nutribun ng dekada 70?
Ayon kay Engr. Rosemarie G. Garcia, Chief Science Research Specialist ng Department of Science and Technology-Food and Nutrtion Research Institute o FNRI, ang Enhanced Nutribun ay dinagdagan ng enerhiya para sa dagdag na lakas, protina mula sa gatas para sa pagbuo ng muscles at tamang paglaki, pinayaman sa natural na Beta-Carotene para sa malinaw na paningin at malakas na resistensiya, at iron para sa malusog na dugo at panlaban sa anemia.
Tinawag itong Nutrition in a bun dahil ito ay gawa sa puree mula sa kalabasa, asukal, skim milk, vegetable oil, shortening, iodized salt, bread improver at yeast.
Kung ikukumpara sa nutribun noong dekada 70, ang enhanced nutribun ay mas malambot, mas maraming micronutrients tulad ng iron at vitamin A.
Sabi pa ni Engr. Garcia, kabilang sa mga idudulot na sustansya sa kakain ng isang enhanced nutribun ay 61 milligrams ng potassium, 26 milligrams ng calcium, 223 micrograms ng Vitamin A, 123 micrograms ng Iodine, 6 milligrams ng iron at 2 milligrams ng zinc.
Ang enhanced nutribun ay hindi lamang para sa mga bata, mabuti rin sa mga buntis, nagpapasusong ina at mga senior citizen. Para sa lahat ang enhanced nutribun lalo na nga’t kung kalusugan ng pangangatawan ang pag-uusapan.
Ang technology sa paggawa ng “enhanced nutribun” ay ibinibigay for free sa mga qualified entrepreneur na may technical capabilities para ito maiproduce commercially. Maaaring makipag-ugnayan sa DOST-FNRI o sa DOST- SETUP, Small Enterprise Technology Upgrading Program para sa kaukulang tulong.