Angel Manalo, hindi pinayagang makapagpiyansa
Naglabas na ng resolusyon ang Quezon City Fiscals Office at walang inirerekomendang piyansa kay Angel Manalo.
Kaugnay ito ng kasong illegal possesion of firearms, direct assault at attempted murder na isinampa ng PNP laban kay Angel.
Nag ugat ang kaso nang paputukan nito ng baril ang mga pulis na nagsilbi ng search warrant sa kanilang inokupang bahay sa No. 36 Tandang Sora Quezon City.
Ayon kay Senior Asst. Prosecutor Fiscal Nildo Penaflor nakitaan nila ng probable cause ang kaso ng mga pulis.
Nauna nang naglabas ng search warrant ang korte batay sa kahilingan ng mga pulis matapos makatanggap ng reklamo sa indiscriminate firing at pagtatago ng matataas na kalibre ng baril.
Batay sa resulta ng kanilang ng paghalughog sa bahay ng mga Manalo ay nakarekober ang QCPD ng limang assault rifles, bala, spare parts ng mga baril, dalawang tirador, dalawang extended night sticks at isang folding knife.
Ulat ni : Mean Corvera