Angel Manalo at iba pa sinampahan na ng kaso ng QCPD
Sinampahan na ng mga kaukulang kaso ng Quezon City Police District ang mga tiniwalag na miyembro ng Iglesia Ni Cristo na sina Angel Manalo , Lottie Manalo-Hemedez kasama ang iba pang naaresto.
Ayon kay QCPD Chief Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar, ang mga ito ay sinampahan ng kaso sa harap ni QC Asst. City Prosecutor Nilo Peñaflor.
Kinasuhan ng QCPD ng Illegal Possession of Firearms, Frustrated Murder at Direct Assault sina Jonathan S. Ledesma at Joseph R. Sabbaluca dahil sa pamamaril na ikinasugat nina PO2 Henry Hular at PO3 Joemarie Oandasan na pawang mga naka-assign sa QCPD District Special Reaction Unit.
Habang Illegal Possession of Firearms naman ang isinampa laban sa magkakapatid na Felix Nathaniel “ANGEL” Manalo at Lolita “LOTTIE” Villanueva Manalo-Hemedez at 23 iba pa.
Sa paghalughog ng mga pulis sa bahay na pag aari ng INC sa No. 36 Tandang Sora, nakarekober ang QCPD ng limang assault rifles, bala, spare parts ng mga baril, dalawang tirador, dalawang extended night sticks at isang folding knife.