Angelina Jolie, idinemanda ni Brad Pitt dahil sa pagbebenta ng French vineyard kung saan sila ikinasal
Idinemanda ni Brad Pitt si Angelina Jolie dahil sa pagbebenta sa kaniyang share sa French vineyard kung saan sila ikinasal.
Noong 2008, ang hollywood superstars na sina Pitt at Jolie, na dati ay tinaguriang Hollywood’s highest profile couple, ay bumili ng isang controlling stake ng Chateau Miraval sa southern France, at makaraan ang anim na taon ay nagpakasal doon.
Ngunit nag-file sila ng divorce noong 2016 at naglalaban pa rin sa korte, kung saan kabilang dito ang karapatan sa kustodiya sa anim nilang mga anak.
Ayon sa isinampang demanda ni Pitt sa California noong Huwebes, ang mag-asawa ay “nagkasundo na hindi nila ibebenta ang kani-kanilang mga interes sa Miraval nang walang pahintulot ng isa’t-isa.”
Subali’t noong Oktubre, ipinagbili ni Jolie ang kaniyang share sa isang “Luxembourg-based spirits manufacturer na kontrolado ng Russian oligarch na si Yuri Shefler,” batay sa nakasaad sa isang legal na dokumento.
Nakasaad sa inihaing demanda, na sinira ni Jolie ang mga tuntunin ng kanilang orihinal na kasunduan.
Nakasaad pa sa demanda . . . “Jolie long ago stopped contributing to Miraval — while Pitt poured money and sweat equity into the wine business, building it into the ascendant company it is today.”
Ang demanda ni Pitt ay humihiling ng isang “trial by jury.”
Ang vineyard ay inilalarawan sa demanda bilang isang maliit at hindi mapagkakakitaang wine business na ngangailangan ng renovation bago ito nabili ng mag-asawa noong 2008.
Nagbayad ang pares ng “humigit-kumulang 25 million euros ($28 million),” kung saan nag-ambag si Pitt ng 60 percent at kay Jolie ang natitirang 40 percent.
Ngunit nagpatuloy si Pitt na magbayad para sa mga pagsasaayos “sa paraang hindi katimbang ng kaniyang ownership share” sa pagka-unawang hindi aalisin ni Jolie ang pamumuhunan nito nang wala ang kanyang pahintulot.
Kinuha ni Pitt si Marc Perrin, isa sa mga nangungunang winemaker ng France, upang tumulong na gawing isang nangungunang producer ng rose wine ang negosyo, ngunit “hindi kasangkot si Jolie sa mga pagsisikap na ito,” ayon pa sa demanda.
Ang mga kita ay iniulat na lumago mula sa humigit-kumulang $3 milyon noong 2013 hanggang sa higit sa $50 milyon noong nakaraang taon, kung saan ang Miraval ay naglunsad kamakailan ng bagong linya ng rose champagne.
Ayon sa isang source na may nalalaman sa kaso . . . “Jolie is seeking a return on an investment she did not make and profits she did not earn.”
Hindi naman tumugon ang mga kinatawan ni Jolie nang hilingin ang kanilang komento.
Ayon sa isang statement ng Tenute del Mondo, ang drinks company na bumili sa share ni Jolie . . . “We chose to invest in Miraval as it is an exceptional wine and brand that complements our portfolio. We entered this partnership wanting to bring the talent, skills and distribution channels that will only further enhance the Miraval offering and make Miraval the most successful brand of rose wine and champagne.”
Ang A-listers na si Pitt at Jolie ay unang naging “couple” matapos magsama bilang married assassins sa 2004 film na “Mr. and Mrs. Smith.”