Angina Pectoris , isang sintomas ng atake sa puso at hindi sakit ayon sa eksperto
Sa pagpapatuloy ng pagunita sa buwang ito bilang Philippine Heart, isinagawa ang isang virtual media conference na ang topic ay How to Heal A Broken Heart.
Ang virtual presser ay joint effort ng Philippine College of Physicians o PCP at Philippine Heart Association o PHA.
Panauhin sina Dr. Luigi Segundo, Chair, PHA Advocacy Committee, bilang Moderator at Dr. Irish M. Garcia,Adult Cardiologist,bilang Speaker.
Sa presser, binigyang diin ni Garcia na ang angina ay hindi isang sakit kundi ito ay sintomas, senyales o babala ng sakit sa puso.
Sinabi pa ni Garcia na ang angina rin ay bunga ng kakaunting daloy ng dugo at kakulangan ng oxygen sa puso.
Paliwanag ng nabanggit na eksperto, kapag ang coronary arteries o ang mga pangunahing ugat sa puso ay nabarahan napipigilan ang tamang pagdaloy ng dugo sa puso, ito ay magiging sanhi ng coronary heart disease.
Binigyang diin ni Garcia na kabilang sa palatandaan na ang isang tao ay nakararanas ng Angina ay paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga, tension sa mga kalamnan sa braso, pananakit ng balikat leeg o panga, matindi at malamig na pagpapawis, pagkahilo at pagsusuka, pasintabi po sa mga kumakain, mabilis o irregular na pagtibok ng puso.
Ilan naman sa mga paraan upang hindi makaranas ng Angina ay pagkontrol sa pagkain ng sagana sa kolesterol, paghinto sa masamang bisyo tulad ng paninigarilyo at paginom ng alak.
Payo pa ng mga eksperto mula sa PCP at PHA, sa pandemyang nararanasan na dulot ng COVID- 19, puso ay bantayan at pangalagaan, upang mga uri ng sakit sa puso ay maiwasan.
Belle Surara