Anim arestado ng NBI dahil sa iligal na pag-okupa sa protected land sa Rodriguez, Rizal
Ipinagharap ng NBI ng mga reklamo sa piskalya ang anim na indibidwal dahil sa sinasabing iligal na pag-okupa at pagtatayo ng permanenteng istruktura sa isang protected land sa Rodriguez, Rizal.
Kinilala ang mga suspek na sina Angelica Sanchez, Rose Marie Solomon, Daniel Solana, Romeo Enriquez, Maria Clarisa Camanguan, at Emmanuel Dela Cruz.
Nadakip ang anim sa ikinasang operasyon ng NBI-Environmental Crime Division at Provincial Environment and Natural Resources Office- Rizal (PENRO-Rizal).
Nagsagawa ang NBI ng imbestigasyon at ocular inspection sa Sitio Wawa, Brgy. San Rafael sa Rodriguez, Rizal matapos matanggap ang letter-request mula sa PENRO- Rizal ukol sa mga iligal na umuokupa sa protected na lupain.
Nakumpirma ng NBI sa kanilang surveillance na may permanent structures na nakatayo sa lugar.
Mga reklamong paglabag sa National Integrated Protected Areas System Act at Revised Forestry Code of the Philippines ang isinampa laban sa mga suspek.
Moira Encina