Anim na biyahero mula sa India dumating sa bansa at nagpositibo sa COVID-19
May anim na biyahero mula sa India ang dumating sa bansa at nagpositibo sa COVID 19.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, ang mga ito ay dumating sa bansa bago ang implementasyon ng travel ban sa India.
Hindi naman tinukoy ni Vergeire ang nationality ng anim na ito.
Pero ipinadala na aniya nila ang sample ng mga ito sa Philippine Genome Center.
Sa pamamagitan ng genome sequencing maaaring matukoy ang mga variant ng COVID 19 na present sa isang sample specimen.
Isa sa mahigpit na binabantayan ngayon ng DOH ay ang matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang mga bagong variant ng COVID 19.
Tulad ng Indian variant na ito na sinasabing double mutant umano at nakapasok na rin sa ilang bansa gaya ng United States, Australia, Israel, Switzerland at Singapore.
Ang ipinatutupad na travel ban ng Pilipinas sa India ay iiral hanggang May 14.
Madz Moratillo