Anim na foreign companies, nais mag-manufacture ng mga bakuna sa bansa
May anim na kumpanya ang nais magmanufacture ng bakuna dito sa bansa.
Ito ang inihayag ni Usec Rowena Guevarra ng Department of Science and Technology (DOST) kasunod ng mga pagsisikap ng pamahalaan na maging “vaccine self-reliant”.
Pero ayon kay Guevarra maaaring abutin pa ng 2 taon bago masimulan ito.
Hindi naman muna pinangalanan ni Guevara ang mga kumpanya na ito pero ang isa aniya rito ay distributor ng isang South Korean company.
Ang isa naman ay mayroon aniyang “extensive facilities sa Asya.
Ang kumpanya na ito, plano rin aniyang makipag-partner sa iba pang Foreign companies na gumagawa ng mga bakuna na kailangan sa bansa gaya ng para sa Rubella, Polio, HIV, Tuberculosis, Covid at iba pang non- Covid-19 vaccine.
Ang isa naman plano aniyang simulan ang kanilang local vaccine manufacturing venture na may Fill-and-Finish facility.
Ayon kay Guevarra ang Fill-and-Finish plants ay mas mabilis aniyang i-assemble at i-operate.
Ang isa namang kumpanya konektado sa isang German vaccine developer.
Habang ang isa pa ay mayroon namang long-term partnership sa isang Chinese vaccine producer.
Ang isa naman ay planong makipagsanib pwersa sa isang US pharmaceutical company.
Sakaling matuloy ang pagtatayo ng vaccine manufacturing facilities sa bansa, sinabi ng opisyal na aabot sa 40 milyong bakuna ang kayang magawa.
Pero paglilinaw ng opisyal, hindi lang Covid-19 vaccines ang ipo-produce ng mga ito.
Lima hanggang anim na taong income tax holiday aniya ang handang ibigay ng gobyerno sa mga ito.
Giit ng opisyal, mahalaga na magkaroon ang bansa ng sariling Vaccine Manufacturing industry para mapalakas ang National Immunization program ng pamahalaan.
Maituturing na rin aniya itong preparasyon sakaling magkaroon muli ng panibagong Pandemya.
Madz Moratillo