Anim na lugar, gagawing vaccination sites para sa pagbabakuna sa 5-11 age group
Anim na lugar ang magsisilbing vaccination sites sa gaganaping COVID-19 vaccine rollout para sa mga batang edad 5-11, sa Pebrero 4.
Sinabi ni acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, na ang pagbabakuna sa 5-11 age group ay sabay-sabay na isasagawa sa Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Manila Zoo, SM North Edsa (Skydome), at Fil Oil Gym sa San Juan City.
Ani Nograles . . . “Mahalaga po ito sa ating paghahanda sa muling pagbabalik ng face-to-face classes, pisikal na balik eskuwela.”
Inaasahan na ngayong linggo darating ang Pfizer vaccine para sa nasabing age group.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH), na ang kabuuang 168, 355 na mga kabataan na edad 5-11 ay naka-rehistro na para sa pagbabakuna sa local government unit na nakasasakop sa kanila.
Dati na ring sinabi ni National Task Force Against Covid-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa, na may 780,000 doses ng bakuna para sa mga kabataan ang darating sa bansa ng Enero 31.
Aniya . . . “Tinitiyak natin na ligtas at epektibo ang mga bakunang gagamitin sa mga bata. Walang dapat ipangamba ang mga magulang. The doses for minors have been reformulated so that these are appropriate for them. Ibig sabihin, mas mababa po ang doses na ituturok sa kanila. Kaya’t kung available na ito sa inyong mga lugar, dalhin nyo na po ang inyong mga anak sa vaccination sites.”