Anim na negosyante sinampahan ng tax evasion complaint sa DOJ ng BIR dahil sa halos P180-M hindi binayarang buwis
Aabot sa halos P180 million na tax liability ang hinahabol ng BIR sa anim na negosyante.
Kinilala ng BIR ang delinquent tax payers na sina NAPBONAPARTE R. ACIO na isang licensed contractor at sole proprietor ng AC-10 Builders sa Quirino; SUSAN GABON ABAIGAR ng Southern Hardware and Construction Supply sa Quezon; SWEET KIM TAN GO ng Liana’s Trading sa San Pablo City, Laguna; DESIREE RUALES SALUDO ng MDMA Trading sa Cagayan de Oro City; AMELIA E. BALATAYO ng Raba Mini Sawmill; at ENRICO VELOSO DIONSON ng Rico’s Lechon sa Cebu City.
Ayon sa BIR, ipinagharap nila sa DOJ ng mga reklamong paglabag sa Tax Code ang anim dahil sa P179.18 million na bigong mabayarang buwis para sa mga taong 2008, 2010, 2013, 2014, 2015, at 2017.
Pinakamalaki sa tax deficiency ay kay Saludo na halos P92.5 million.
Sinabi ng BIR na ilang ulit na nila pinadalhan ng abiso ukol sa kanilang utang sa buwis ang respondents.
Pero, bigo pa rin ang mga ito na bayaran ang tax liabilities kaya sinampahan na nila ng reklamo sa DOJ.
Moira Encina