Anim na suspek sa pagkamatay ni Salilig, sinampahan na ng mga reklamong paglabag sa Anti- Hazing law
Pormal nang ipinagharap ng mga reklamo sa DOJ ng pulisya ang anim na suspek sa pagkamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.
Mga paglabag sa Anti- Hazing law ang isinampa laban sa anim.
Kinilala ang mga kinasuhan na sina Tung Cheng Teng Jr. na sinasabing lider ng Tau Gamma Phi Adamson Chapter, Romero Earl Anthony, Jerome Balot, Sandro Victorino, Michael Lambert Ritalde, at Mark Pedrosa.
Tumatayong complainant ang kapatid ng biktima na si John Michael at isang witness- victim na nagturo sa mga suspek.
Naka-posas at bantay-sarado ng SWAT ang anim nang dalhin sa DOJ nitong Huwebes ng umaga.
Ang anim ang itinuro ng isa pa umanong hazing victim na kasama ang mga ito sa mga pumalo kay Salilig.
Noong tanghali naman ng Huwebes ay iniharap din ng pulisya sa DOJ ang isa pang lalaki na tatay ng isa sa mga suspek na nagmamay-ari ng sasakyan na umano’y ginamit sa pagsakay sa biktima.
Ipinagharap naman ito ng reklamong obstruction of justice matapos na pigilan ang mga pulis na maisilbi ang search warrant to seize sa SUV ng anak.
Itinakda ng DOJ ang preliminary investigation sa kaso laban sa anim na fratmen sa Marso 10 kung saan inaasahan na maghahain sila ng kontra- salaysay.
Mananatili ang anim sa kustodiya ng Biñan City police habang isinasagawa ang pagdinig sa reklamo laban sa kanila.
Inihayag pa ni Biñan City Police Chief Virgilio Jopia na ang isa sa mga anim na suspek ay nagsumite ng extra judicial confession.
Pero ang korte aniya ang magpapasya kung ang nasabing suspek ay magiging state witness.
Nasa 10 persons of interest sa kaso naman aniya na pawang fraternity members ang hinahanap pa ng pulisya.
Kinumpirma rin ni Jopia na sumuko na rin ang sinasabing master initiator ng Tau Gamma Phi nitong Huwebes sa Cavite police.
Kumpiyansa ang pulisya na malakas ang kaso nila laban sa mga suspek sa pagkamatay ni Salilig.
Moira Encina