Anim na taong E-PESO project ng USAID, nagresulta para tumaas ang paggamit ng digital payments sa Pilipinas
Natapos na ang anim na taong E-PESO project ng United States Agency for International Development (USAID) na nagresulta para mapalakas ang digital payments infrastructure ng Pilipinas.
Ayon sa US Embassy, partikular na sinuportahan ng Php1-B E-PESO project ang digi-ti-zation ng BIR systems na nagresulta para tumaas ang digital payment collection ng kawanihan.
Natulungan din ng proyekto ang 11 LGUs na mapataas ang kanilang efficiency sa pamamagitan ng pagbukas ng online at mobile payment platforms para sa property taxes, building at business permits, at iba pang singilin.
Sa pamamagitan din ng proyekto ay naalalayan ng USAID ang DTI sa pagsanay sa mga kababaihan sa digital entrepreneurship.
Nakipag-partner din ang USAID sa DSWD at pribadong sektor para sa pagbuo ng web-based application na ReliefAgad na ginamit para maipamahagi ang relief funds sa pamamagitan ng e-payment sa e-wallets o bank accounts ng mga benepisyaryo.
Sinabi pa ng US Embassy na nakatulong ang proyekto para tumaas ang e-payment usage sa bansa mula sa isang porsyento noong 2015 ay naginh 11 percent ito sa katapusan ng 2018.
Moira Encina