Anim pa na suspek sa pagkawala ng ilang sabungero, inirekomenda ng DOJ na kasuhan ng kidnapping at serious illegal detention
Ipaghaharap ng mga kasong kidnapping at serious illegal detention ang anim na iba pang indibiduwal na isinasangkot sa pagkawala ng ilang sabungero.
Sa resolusyon na inilabas ng isa pang DOJ Panel of Prosecutors, sinabi na nakitaan nito ng sapat na batayan para kasuhan sa korte ang mga suspek.
Kinilala ang mga kakasuhan na sina Julie A. Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo E. Zabala, Virgilio P. Bayog, Johnry R. Consolacion, at Roberto G. Martillano Jr.
Ang kaso ay kaugnay sa pagdukot sa mga biktima na sina John Claude Inonog, James E. Baccay, Marlon E. Baccay, Rondel F. Cristorum, Mark Joseph L. Velasco, at Rowel G. Gomez.
Puwersahan na isinakay ang mga biktima ng mga respondent sa gray na van noong Enero 13, 2022 ng ika-7:30 ng gabi habang papunta sa Manila Arena mula sa Tanay, Rizal para sa stag derby.
Itinanggi ng respondents ang mga akusasyon at iginiit na walang personal knowledge ang mga testigo sa krimen.
Hindi naman binigyang bigat ng piskalya ang depensa ng mga suspek dahil sa positibong kinilala ang mga ito ng mga testigo at sa credible na testimonya mga testigo.
Ihahain ng DOJ ang kaso laban sa anim na suspek sa Manila Regional Trial Court.
Una nang inirekomendang kasuhan ng DOJ ng robbery at kidnapping ang tatlong pulis kaugnay naman sa pagdukot sa master agent ng e-sabong sa San Pablo City, Laguna.
Moira Encina