Anim patay sa pag-atake ng Russia sa Donbas
Anim katao ang nasawi sa pag-atake ng Russia sa isang bayan sa silangang Ukraine.
Ayon sa emergency services, lima katao ang nakuhang patay mula sa gumuhong dalawang palapag na gusali sa Toretsk, habang ang ika-anim na malubhang nasugatan ay binawian ng buhay sa ospital.
Ang Toretsk, isang bayan na may humigit-kumulang 30,000 mga residente, ay nasa 50 kilometro (30 milya) sa timog ng Kramatorsk, isang pangunahing target para sa Russian forces, na sumalakay sa Ukraine sa huling bahagi ng Pebrero.
Kamakailan ay nagtagumpay ang Russian troops sa eastern region ng Donbas, kung saan nakubkob nila ang sister cities nito na Lysychansk at Severodonetsk.
Nitong Lunes, inangkin ng pro-Moscow rebels na ang sumunod nilang target sa Donbas — ang bayan ng Siversk — ay nasa ilalim ng kanilang kontrol, isang anunsiyong hindi pa nabeberipika.
Samantala, sa Brussels ay nagbabala ang foreign policy chief ng European Union (EU), na ang pagharang ng Russia sa mga daungan sa Ukraine ay banta sa suplay ng mga butil sa libu-libong katao na lantad sa pagkagutom at sinabing dapat na iyong wakasan.
Ayon kay Josep Borrell . . . “It’s an issue of life and death for many human beings. And the question is that Russia has to de-block and allow Ukrainian grain to be exported.”
Sa kaniya namang tweet ay sinabi ni Zelensky na nakipag-usap na siya kay Brazilian President Jair Bolsonaro.
Aniya . . . “We discussed the importance of resuming Ukrainian grain exports to prevent a global food crisis provoked by Russia.”
Nakatakdang makipagpulong ng Russian at Ukrainian negotiators sa UN at Turkish diplomats sa Istanbul bukas, Miyerkoles upang subukang pagkasunduan ang ilang buwan nang pagharang sa Ukrainian ports.
Sinabi naman ni Kremlin advisor Yury Ushakov, na ang isyu ay magiging tampok sa pag-uusap ni Russian President Vladimir Putin at Turkish counterpart nitong si Recep Tayyip Erdogan ngayong Martes sa Tehran.
Samantala, hinimok ni Borrell ang EU na huwag itigil ang sanctions laban sa Russia at iginiit na iyon ay epektibo, ilang araw matapos sabihin ni Hungarian leader Viktor Orban na ang naturang sanctions ay mas nakapipinsala sa Europe kaysa Russia.
Ayon kay Borrell . . . “It is what we had to do, and we will continue doing.”
Nagbabala naman si Ukraine Foreign Minister Dmytro Kuleba na ang pag-atras at pagyuko sa mga demand ni Putin ay hindi magkakaroon ng magandang epekto at hindi epektibo.
Sa kabilang banda ay nangako si Putin na tutugunan at malalampasan ang “high-tech problems” na dulot ng naturang sanctions.
Ayon kay Putin . . . “This is a huge challenge for our country. Realizing the colossal amount of difficulties we are facing, we will look for new solutions in an energetic and competent manner.”
© Agence France-Presse